Ang liwanag sa aking panaginip…
Unti-unting dumidilim ang paningin ko. Malabo. lumalabo, ang gulo. Takbo. takbo. takbo. Ayaw niyang tigilan ang paghabol sa akin. Mabigat ang yabag ng mga paa niya. Nakakatakot. Malaki siya, napakalaki. Parang gusto niya akong kainin .. AYAN NA! malapit na siya. Nakikita ko ang anino niya .. papalapit na sa mumunti kong anino …
Pawis na pawis ang buo kong katawan. Tila ba tumakbo ako mula sa napakalayong lugar papunta sa kinalalagyan ko ngayon. Ang bilis ng tibok ng puso ko. Buti na lang nagising ako ng pang-araw-araw kong alarm clock .. ANG MAINGAY NA BOSES ni NANAY mula sa baba, rinig hanggang dito sa kwarto. Kahit papaano nakakatulong din pala yon. Siguro inumaga na naman ng uwi si kuya. Wala namang bago. Bakit kaya hindi napapagod si nanay sa araw-araw na ganun ?? ayy kung hindi lang naging masama ang panaginip ko ngayon, eh mas nanaisin ko pang matulog na lang …. kahit HABAMBUHAY pa !
Tatlong taong gulang pa lang ako nang iniwan kami ni tatay dahil sumama siya sa ibang babae, yan ang sabi ni nanay. Sabi naman ni kuya, palagi daw inaaway ni nanay si tatay kaya ‘to umalis. Ewan ko sa kanila. Hindi talaga sila magkasundo. Parang simula ng magkamalay ako sa mundong ito eh puro pag-aaway na lang ang lagi kong nakikita sa kanila, ni hindi nga sila nag-usap ng walang sigawan eh. Para silang mga bata.
“Sino na naman ba ‘yang lalaki na ‘yan?”, pasigaw na tanong ni kuya kay nanay. Iyan ang bumungad sa akin pagbaba ko ng hagdan. May lalaking nakaupo sa sofa, parang bagong gising, dun yata natulog. Nagdala na naman ng lalaki si nanay dito sa bahay kaya itong isa umuusok na naman ang ilong.
“Aba! wag mong baguhin ang usapan! Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, saan ka na naman nagsuot kagabi?”, balik na tanong ni nanay. Panigurado matatapos ang usapan nila ng wala ni isa man lang masasagot sa mga nakatambak nilang tanong. Nakakasawa, nakakaburyong at nakakairita ang ganitong paulit-ulit na senaryo. Hindi umuuwi si kuya sa tamang oras, eto namang si nanay iba-ibang lalaki ang dinadala sa bahay. Magagalit si kuya, magagalit si nanay. Magdadaldal si kuya, magbubunganga si nanay. Padabog na papanhik si kuya sa kwarto, walang tigil ang sermon ni nanay .. pati ako na nananahimik, idadamay pa. Ay naku!
Umakyat na si kuya sa kwarto, agad ko naman siyang sinundan para hindi na ako madadaan ni nanay. Pumasok ako sa kwarto niya, nakahiga siya. Nginitian niya ako, sabay tingin sa kisame. Malungkot siya, nadarama ko, alam ko! Nilapitan ko siya at umupo ako sa kama niya. “Kuya, kumain ka na ba?” tanong ko sa kanya. Nginitian niya lang ulit ako, naluluha ang mga mata niya, umupo rin siya at tumabi sa akin .. “Pasensya na kung medyo pasaway si kuya huh, gusto mo bang ilibre ka ni kuya ? Tara punta tayo ng mall. Bibilhin ko ang lahat ng gusto mo..” tugon sa akin ni kuya.
Mahal na mahal ko ang kuya ko. Siya ang bestfriend ko, teacher ko at tumayo na ring tatay ko. Lahat ng gusto ko binibigay niya sa akin. Siya ang kakampi ko sa lahat. Sabi niya walang sinumang lalaki ang pwedeng makapanakit sa akin, kasi baka mapatay daw niya ‘yun. Kapag ako nagka-boyfriend , gusto ko yung tulad niya : maalaga sa’kin, matalino at higit sa lahat gwapo .. yan ang kuya ko. Kinukwento niya sa akin lahat, maliban na nga lang dun sa dahilan kung bakit lagi siyang inuumaga ng uwi. Tinanong ko siya minsan ngunit ang sabi lang niya eh, may mga bagay daw na minsan kailangang itago, para na rin sa kapakanan ng mga taong mahal mo. Hindi ko naintindihan ang sinabi niyang iyon, pero hindi ko na lang din tinanong pa ulit.
“Ayos ba ang pamamasyal natin?? nag-enjoy ba ang napaka-cute kong kapatid?” masayang tanong ni kuya. Sinagot ko siya ng isang napakagandang ngiti sabay kain ng hawak-hawak kong chocolate. Marami na naman akong bagong damit. Da bes talaga ang kuya ko!
Pagbaba namin ng jeep, isang humaharurot na motor ang nakita ko, papalapit sa amin. Bumunot ng baril ang isang nakasakay at binaril ang kuya ko. Sakto! sapul sa dibdib. Natulala ako.Napakabilis ng pangyayari. Parang sinuntok ang kalamnan ko. Ang sakit sa damdamin ng nakita ko. Tumulo ang luha ko. Tuloy-tuloy. Parang walang katapusan. Pinaliligiran na kami ng mga tao, pero hindi na sila malinaw sa aking paningin. madilim. madilim.
Malayo na ang natakbo ko. hindi ko na makita yung humahabol sa’kin. Tumigil ako. Huminga ng malalim. Pinagpatuloy ko ang paglalakad ko. Unti-unting lumiliwanag ang paligid. Gumagaan ang pakiramdam ko. Dalawang ibon ang nalipad, ang saya nila. Saglit.. ano ito ?? bumagsak yung isang ibon. namatay yung ibon. iniwan niya yung kasama niya. Dumidilim na naman ang paligid. Isang malakas na yabag ng paa ang narinig ko .. isang pamilyar na tunog.
” Nene !! gising na. nananaginip ka na naman! “
” Nanay si kuya ?? si kuya ?!! ” … nang magkamalay akong muli si kuya agad ang hinanap ko. Ngunit isang patak ng luha lang ang isinagot niya sa akin . Isang sagot na alam ko na ang ibig sabihin. Parang gugunaw ang mundo ko. Pakiramdam ko kalahati ng buhay ko ang kinuha sa akin, ang ninakaw sa akin. Napakadaya. Napakadaya.
Nailibing na si kuya pero isang beses ko pa lang nakita ang luha ni nanay .. isang patak ng luha. Nakaramdam ako ng galit sa kanya. wala ba siyang pakialam kay kuya ? Hindi niya ba mahal si kuya ?
Isang araw pag-uwi ko, Niyakap ako ng mahigpit ni nanay at humingi siya ng tawad. Isang taos-pusong paghingi ng tawad. Ramdam ko yon. Hindi ko maintindihan kung bakit. Ngunit wala na akong pakialam pa dun, ang mahalaga, masaya kami ni nanay.
Matapos ang araw na iyon ay naging masaya ang pamumuhay namin ni nanay. Hindi na siya nagdadala ng iba’t ibang lalaki. Ang atensyon niya ay parating nasa akin. Napakasaya ko na unti-unti ko nang nararamdaman ang magkaroon ng isang ina. Napakasaya ko. Sa araw-araw na nangyayari yon, pakiramdam ko gusto kong itigil ang bawat oras na kasama ko siya. naisip ko ang kuya ko. Sana ganito na kami noong nabubuhay pa siya, edi sana masaya kaming lahat.
(makalipas ang isang taon)
“Nanay ! magandang UMAGA!! gising ka na po, naghanda ako ng almusal ..” masaya kong sinasabi iyan habang papasok ako sa kwarto ni nanay. Ngunit hindi tulad ng inaasahan ko ang nakita ko. ang nanay ko nakahandusay sa sahig. Nilapitan ko siya. Hindi na siya nahinga. Wala ng buhay ang nanay ko. sa pangalawang pagkakataon, pakiramdam ko pinagkaitan ako ng langit. Pinatikim ako ng konting saya, pero binawi din agad. Ang sakit.
Tumor sa utak. May sakit pala ang nanay ko. Hindi ko man lamang nalaman. Anong klase akong anak? Ang sakit nito para sa akin. Wala na akong ibang kilalang kapamilya kundi ang nanay at kuya ko. Hindi ko na alam kung paano ko pa ipagpapatuloy ang buhay ko ngayon. Humingi ako ng tulong sa isang kaibigan. Ipinasok niya ako sa pinapasukan niya bilang tagahugas ng pinggan. Ayos na yon’ sapat na para mabuhay ako sa pang-araw-araw, kaya pumayag na lang ako.
Madilim ang paligid pero nakikita ko pa rin ang mga tao. Masakit sa mata ang iba’t ibang kulay ng ilaw sa lugar na iyon. Maraming lamesa. Maraming lalaki, may kanya-kanyang hawak na bote ng beer. May katabi rin silang mga babae .. makakapal ang mga palamuti sa mukha, maiiksi ang mga damit at matataas ang takong ng mga sapatos nila. May mga babae ring nagsasayaw sa entablado, mga damit panloob lang ng mga babae ang suot nila, makukulay ito at makikinang. Sumasayaw sila na parang inaakit ang lahat ng lalaki sa lugar na iyon. Malagkit naman ang tingin ng mga lalaki, bawat isa parang gustong angkinin ang mga nagsasayaw.
Iniabot sa akin ni Lizzie ang damit kaparehas ng sa mga babaeng nakaupo sa iba’t ibang lamesa kasama ang mga nakakatakot na lalaki. Nagataka ako kung bakit ganun ang ibinigay niya sa akin samantalang paghuhugas lang naman ng pinggan ang trabaho ko.
“Ano ka ba? Mas madali ang trabahong ito kaysa paghuhugas ng pinggan. Uupo ka lang sa tabi ng mga lalaki at sa isang pitik lang ‘JACKPOT’! may pera ka na. Oh di’ba mas maganda to??”
Nag-alinlangan ako sa sinabi niya, kaya hindi ako pumayag. Sabi ng kuya ko sa akin, wag na wag daw akong lalapit sa mga lalaking hindi ko naman kilala, lalo na sa mga mukhang masasamang lalaki, at puro ganun ang nakikita ko sa lugar na ‘yon. Pero tinakot niya ako. Hindi na raw ako makakaalis sa lugar na iyon. Hawak na daw ako ng may-ari nun ngayon at wala na kong magagawa kundi sundin ang lahat ng sasabihin niya. Tanging nagawa ko lang ng gabing iyon ay umiyak. Puno ng takot ang loob ko. Kung nabubuhay lang sana si kuya at nanay ngayon …
Lumipas ang ilang taon, hindi ko na makilala ang sarili ko. Natuto akong manigarilyo, makipagsabayan sa iba’t ibang lalaki sa pag-inom ng alak at ang pinakamalala sa lahat, ibinebenta ko na rin ang sarili kong katawan sa mga lalaking hindi ko naman lubos na kilala. Pati ang paggamit ng bawal na gamot ay hindi ko rin pinalampas. Masakit mang isipin ngunit isa na rin ako sa mga babaeng dati kong pinandidirihan.
Habang binibilisan ko ang paglakad ko, lumalakas din ang yabag ng paa niya. Nakakatakot. Tumakbo ako ng tumakbo. Mabilis na mabilis. Ngunit, nadapa ako. Sa pagkakataong iyon, tumulo na lang ang luha ko. Akmang kukuhain niya na ako ng biglang lumiwanag ang paligid. Napakaliwanag. Napakagaan sa pakiramdam. Pati yung nahabol sa akin ay nawala. Ang liwanag, walang hanggan .. walang katapusan ..
“Nene! Nene! Gising!! Gising!! Gumising ka!”
“Lizzie, hinahabol na naman niya ako, nawala na siya. Pero natatakot ako, baka bumalik siya. AYAN na! naririnig ko na ang yabag ng mga paa niya. Magtago ka na Lizzie. Malapit na siya. malapit na. tumakbo ka na!”
“Ne, wala na. Kumalma ka. PANAGINIP lang yun. Wala na yun..”
“Hindi! Ayan na siya !”
Umalis ako sa kwarto at nagmadaling tumakbo. Baka mahabol pa niya ako. takbo.takbo.takbo. Isang liwanag ang nakita ko. Papalapit sa akin. napangiti ako. Ngunit sa isang saglit, isang malakas na pagbangga ang naramdaman ko. Tumilapon ang katawan ko sa kalsada. Ang liwanag pala na iyon ay ilaw galing sa isang malaking trak. Duguan na ako at wala ng maramdaman pa. PUMIKIT ako. At doon. doon ko nakita ang tunay na liwanag..